Tagasuporta ni Mabilog nagsasagawa ng Vigil sa kanyang bahay para sa kaligtasan ng Mayor at pamilya!


Nagbarikada ang mga taga-suporta ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa harap ng kanilang city hall bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang alkalde. 

Ito’y kasunod ng isinagawang inspeksyon ng mga tauhan ng NBI o National Bureau of Investigation sa tahanan ni Mabilog bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa lifestyle check ang alkalde. 

Daan-daang taga-suporta ni Mabilog ang nagtipon sa San Jose Parish Church malapit sa city hall upang magsagawa ng misa at saka nagmartsa sa Plaza Libertad kung saan naman isinagawa ang isang prayer rally. 

Dumiretso naman sa bahay ni Mabilog ang mga nagtipon-tipon upang doon magsagawa ng prayer vigil upang matiyak ang kaligtasan ng alkalde gayundin ng pamilya nito.

Samantala pinayuhan ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na ipagpatuloy lamang nito ang ginagawa niyang pagsuporta sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga.

Ito’y sa harap na rin ng paulit-ulit na pagtanggi ni Mabilog sa mga paratang sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor umano ito ng mga drug lord sa kaniyang nasasakupan.

Bilang reaksyon naman sa isinagawang vigil ng mga taga-suporta ni Mabilog sa bahay nito, muling iginiit ni Dela Rosa na walang dapat ikabahala ang alkalde kung wala naman itong ginagawang masama.

Kasunod nito binalaan naman ni Dela Rosa ang iba pang nagtatagong drug lord sa Iloilo City na umalis na ng lungsod o di kaya’y magpakamatay na dahil tiyak na aabutin sila ng kamay ng batas.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento