Nanawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kaniyang mga kapwa senador na siguraduhing magiging patas ang ikinakasang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng 17-taong gulang na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Umaasa si Sen. Drilon na hindi lamang sesentro ang hearing sa pagbusisi sa pagkamatay ni Kian kundi maging sa kaso ng iba pang mga biktima at kung bakit ito humantong sa pagkakapaslang sa kanila.
Sa Huwebes ng hapon itinakda ang pagdinig ng usapin sa committee on public order and dangerous drugs na pinangungunahan ni Sen Ping Lacson.
Samantala gusto namang ipasibak ni Sen.Drilon si Darwin Canete ng Caloocan City Prosecutor’s Office, hinggil sa pagkamatay ni Delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Caloocan.
Dahil sa ‘manifest partiality and personal prejudices’ ng isang Caloocan City prosecutor laban sa 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos na pinatay sa operasyon ng Caloocan City police noong Agosto 16, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sipain sa paghawak ng kaso ang piskal.
Tamang duda si Canete, hayagang sumusuporta sa anti-illegal drugs campaign ni Pangulong Duterte, na inosente talaga si Delos Santos.
Tila nag-aabugado rin umano para sa Caloocan police ang piskal.
“The case is seriously prejudiced by Canete. His frame of mind and line of reasoning are very disturbing. We must never tolerate such behavior of a fiscal that imperils the administration of justice in the country,” diin ni Drilon.
0 Mga Komento