Pinag-iisipan pa ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang kanyang “options”.
Ito ang naging pahayag ni Bautista isang araw matapos siyang pagdesisyunin ng anim na poll commissioner kung magli-leave o magbibitiw sa puwesto.
“I’m trying to discern at this point… s’yempre pinag-iisapan natin ito. pinagdadasalan kung ano ang tamang hakbang na gagawin para sa aking pamilya at para rin sa institution na ating ngayong pinagsisilbihan,” pahayag ni Bautista sa isang panayam kahapon.
“So magintay tayo at darating at darating yan,” dagdag niya.
Ayon kay Bautista, na inaakusahan ng hindi pagdedeklara ng kabuuan niyang yaman at tumatanggap ng komisyon habang nasa public office, minsan ay hindi mahalaga ang ating timing kundi ang sa Panginoon.
Sa alegasyon na hindi na siya magiging epektibo sa kanyang mga responsibilidad dahil sa mga ipinupukol sa kanya, tinanggihan ito ni Bautista.
Sinabi niya na mapapatunayan ng mga poll employee na araw-araw siyang nasa Comelec.
At nang tanungin kung mayroong dapat umalis, sinabi niya na, “Sa akin dapat walang bumitaw. Kanya-kanyang desisyon ‘yan e.”
Nitong Huwebes ay matatandaang pinagdidesisyon na ng poll commissioners si Bautista kung magli-leave ito o magbibitiw sa trabaho.
Kaugnay nito, tiniyak kahapon ni Bautista na ang mga kasamahan niya sa poll body ang unang makakaalam ng kanyang desisyon.
Samantala iginiit ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na mag-leave o mag-resign na lamang.”Mas nakakabuti kay Commission on Election (Comelec) Chairman Andres Bautista na maghain ng leave of absence O magresign na lamang upang maharap nito nang buong-buo ang kanyang personal na problema.
0 Mga Komento