Wala pa mang maipakitang solidong ebidensiya, pinaninindigan pa rin ni Senador Antonio Trillanes na ang “Davao group” ang nasa likod na paglusot ng P6.4 bilyong shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC).
Una nang pinangalanan ni Trillanes si presidential son Paolo at son-in-law Mans Carpio na umano’y nasa likod ng “Davao group”.
Ayon kay Trillanes, sa kanyang nakalap na impormasyon partikular na sa mga isinawalat ng Customs broker na si Mark Taguba ay lumilitaw na ang naturang grupo ang nasa likod ng paglusot ng shabu shipment sa green lane ng BOC.
“Lumalabas na itong Davao group ang nag-facilitate nu’ng paglabas ng kontrabando na ito, itong drug shipment na ito sa customs,” giit ni Trillanes.
Kaya naman, ayon kay Trillanes, ito ang dahilan kung kaya’t iginiit niyang paharapin sa pagdinig ng Senado ang dalawa.
Paliwanag pa ng senador, hindi naman lilitisin sina Paolo at Carpio kapag humarap sa pagdinig sa halip hihingan lamang ng paliwanag matapos na madawit ang kanilang pangalan.
“Just to be clear, hindi sila lilitisin, kumbaga na-mention ang pangalan niyo, titingnan natin what we can we extract from them, so kung wala naman, di wala,” dagdag pa ni Trillanes.
Kaugnay pa rin nito, nilinaw ni Senate Majority leader Vicente ‘Tito’ Sotto na posible pa rin namang ipatawag ng Senado sina Paolo at Carpio.
Ito’y dahil magpapatuloy pa naman ang pagdinig ng blue ribbon committee kaugnay naman sa sinasabing “tara system” sa BOC.
Paliwanag ni Sotto, kailangan lamang na magkaroon muna ng sapat na basehan bago ipatawag ang mga ito.
0 Mga Komento