Hindi apektado si Chief Justice Sereno sa mga naging pasaring ni Pangulong Duterte sa isang talumpati nito sa MalacaƱang ukol sa isang opisyal ng pamahalaan na nabubuhay umano ng marangya.
Sa pahayag ng punong mahistrado sa isang event na inorganisa ng University of San Carlos at ng Supreme Court, sinabi ni Sereno na hindi siya apektado dahil hindi naman nagbanggit ang pangulo ng pangalan.
Wala anyang epekto sa propesyonal at personal na buhay ni Sereno ang mga patutsada ng Pangulo at iginiit na wala siyang ginagawang masama at malinis ang kanyang konsensya.
Sa isang talumpati sa MalacaƱang, nagpasaring si Duterte sa isang opisyal na anya ay sumasakay sa first class seats tuwing lalabas ng bansa at nagpapabook sa mga mamahaling presidential suites.
Matatandaan na isa sa mga impeachment complaints na inihain laban kay Sereno ay dahil sa akusasyong marangya ang pamumuhay nito.
Ito ay inihain ni Atty. Larry Gadon na inaakusahan ang punong mahistrado na mayroong itong sports car na aabot sa 4.5 milyon hanggang 5.1 milyon ang halaga.
Inaakusahan din ni Gadon si Sereno na gumamit ng pera ng gobyerno sa pagpapabook ng isang presidential suite sa isang 5-star hotel sa Boracay.
Iginiit naman ni Sereno na hindi sila pinagbayad ng hotel management dahil ginagamit ang suite para i-accommodate ang mga chief justice mula sa mga bansang miyembro ng ASEAN.
0 Mga Komento