Napuno ng emosyon ang ginagawang pagdinig ng senado kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Kian Loyd de los Santos at Carl Arnaiz.
Napaiyak si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa nang kwestyunin sa aspeto ng umano’y polisiya na ipinapatupad ng pamahalaan kaugnay sa war on drugs.
Iginiit ni Bato na handa syang magbitiw kung mapapatunayan na mayroon syang ipinag-utos na patayin ang lahat ng mga drug suspects.
Sa kanyang sagot sa naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros, sinabi ni dela Rosa na handa niyang iwan ang posisyon sa PNP at umuwi na lamang sa Davao City kung pagbibitangan rin lang naman sila na nasa likod ng mga kaso ng extra judicial killings sa bansa.
Nang tanungin naman ni Sen. Bam Aquino kung may nakikita ba itong pattern sa mga kaso ng pagpatay kina Kian at Carl?
Giit ng PNP chief, hindi umano dapat na hanapan ng pattern ang mga anti-illegal drugs operation ng PNP lalo at nakatutok ang higit 175,000 PNP personnel sa war on drugs ng Duterte administration.
Dapat din aniyang tignan ang malaking bilang ng mga nadadakip ng PNP sa kampanya kontra droga ng pamahalaan
Sinabi rin ng opisyal na hindi makatwiran ang nasabing mga bintang lalo na sa mga pulis na ginagawa lang ang kanilang tungkulin.
Sinabayan pa ito ng pagbuhos ng emosyon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Percida Acosta ng linawin nito na wala syang binabanggit na umanoy ‘pattern’ nang pagpatay sa kaso nina Kian at Carl Arnaiz
Samantala, pansamantala na sinuspinde ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang pagdinig at muling ipagpapatuloy sa mga susunod na araw.
0 Mga Komento