Pangulong Duterte nag-utos na panatilihin sa Ozamiz City si Espenido at huwag nang ituloy sa Iloilo City -PNPDG Dela Rosa

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na panatilihin na muna sa Ozamiz City si Chief Inspector Jovie Espenido at huwag nang ituloy ang kaniyang bagong assignment bilang hepe ng Iloilo City Police Office. 

Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa, nakita mismo ng pangulo ang sitwasyon sa Ozamiz City na kailangan pa nila si Espenido. 

Nilinaw naman ni Dela Rosa na walang kinalaman ang recall order kay Espenido sa pagkakapatay sa most wanted drug suspect sa Iloilo na si Richard Prevendido. 

Katunayan, ayon kay Dela Rosa, nailabas na ang recall order bago pa man napatay sa police operation si Prevendido. 

Noong August 28 nang ianunsyo ng pangulo na kaniya nang itinatalaga si Espenido sa Iloilo na agad namang sinunod ni Dela Rosa.

Bago pa man naupo bilang hepe ng Ozamiz City Police, naitalaga muna si Espenido sa Albuera, Leyte. 

Sa dalawang lugar na pinamunuan ni Espenido, kapwa napatay sa operasyon sina Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na kapwa sangkot umano sa ilegal na droga.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento