Matapos maliitin umano ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang pagpatay ng Police Caloocan kay Kian Loyd delos Santos, hiniling ng isang kongresista na ilipat ito sa ahensyang nagkakalat ng fake news.
Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus ang mungkahi matapos hindi matanggap na itinuturing lang ni Aguirre na isang isolated case lamang ang kaso ni Delos Santos at pinalaki lang umano ng media ang isyu.
“Nakakagalit. Dahil sa ganyang kaalaman niya, puwede siyang tanggalin sa DOJ at ilipat sya dun sa ahensyang gumagawa ng fake news,” ani De Jesus.
Hindi nagbanggit si De Jesus kung anong ahensya sa gobyerno ang nasa likod ng pagpapakalat ng fake news.
“Pinapaalala namin kay Aguirre ang vision at mision ng ahensya niya. Hindi siya tagahugas ng kamay ng Pangulo at ng estado. Pinapaalala namin kay Aguirre na kahit gaano man kamahal ang pabangong ibubuhos niya sa kamay ng kumitil sa buhay ng mga inosente ay ‘di mawawala ang lansa dito,” ani De Jesus.
Naniniwala ang mambabatas na pinagtatakpan ni Aguirre si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyung ito.
“If Aguirre wants to shield the President from flak by spreading fake news and illogical statements then probably he is in the wrong agency. He might as well transfer to the ‘fake news agency’ so that we can give DOJ to someone who understands the mandate and responsibility of the DOJ,” ani De Jesus.
0 Mga Komento