Nangangamba ang Archdiocese ng Jaro, Iloilo sa pagdating sa lungsod ni P/Chief Inspector Jovie Espenido bilang chief of police.
Umaasa si Msgr. Meliton Oso, Social Action Director ng Archdiocese of Jaro, na hindi matutulad ang kanilang lalawigan sa naganap sa Albuera, Leyte at Ozamis City sa ilalim ng pamumuno ni Espenido na kamakailan lamang ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang officer-in-charge ng Iloilo City Police.
Dahil dito ay nanawagan ang simbahan sa mga Ilonggo na maging maingat at mapagmatyag sa mga nagaganap sa kanilang pamayanan.
Ipinaliwanag ng nasabing pari na bagama’t kaisa ng pamahalaan ang buong Archdiocese ng Jaro sa pagnanais na masugpo ang problema ng ilegal na droga ay patuloy ang kanilang paninindigan laban sa extra-judicial killings bilang paraan ng pagsugpo sa problema.
“We Ilonggos are peace loving and we don’t want to happen to this beloved city and province of ours what happened in Albuera and what happened in Ozamis City and we are asking our people to be very vigilant because we are against extra-judicial killings while we profess we want the drug problem to be truly and genuinely solve but not through extra-judicial killing,” ani ni Msgr. Oso.
Nakatakdang magpalabas ng isang opisyal na pahayag ang Archdiocese of Jaro, Iloilo upang maipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte na mali ang kanyang mga naging pahayag patungkol sa pagiging laganap ng ilegal na droga sa lalawigan ng Iloilo.
Giit ng nasabing pari, walang katotohanan ang sinabi ng Pangulo sa pagiging “shabulized” at “bedrock of shabu” ng Iloilo na una na ring kinumpirma ni PNP Chief Ronald dela Rosa sa panayam ng isang lokal na istasyon ng radyo sa lalawigan.
0 Mga Komento