Duterte itinuring na ”numero unong terorista, ayon kay Sison!

Mas lalo pang paiigtingin ng New People’s Army ang opensiba laban sa opuwersa ng gobyerno.

Ito ang naging pahayag ni Communist Party of the Philippines founding chair Jose Maria Sison matapos na opisyal nang putulin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks.

Sa kanyang statement, sinabi ni Sison na wala nang ibang paraan upang isulong pa ang reporma para sa mamamayan kung hindi ang paigtingin ang ‘giyera ng masa’ sa pamamagitan ng pinaigting na guerilla warfare sa kanayunan at commando operations sa mga urban areas.

Itinuturing na rin aniya ng kanilang grupo si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ‘numero unong terorista’ dahil sa kakayahan nito na magsagawa ng mass murder ng mga inosenteng sibilyan.

May kakayahan aniya ang pangulo na maglunsad ng malawakang pagpatay tulad ng mga nangyaring pagpaslang sa mga pinagihihinalaan pa lamang na mga tulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.


Patuloy rin aniyang tinatangka ng rehimen na sindakin ang taumbayan sa pamamagitan ng mga alegasyon ng ‘terror plot’ at mga patayan sa lansangan upang mapanatili sa kanilang poder ang kapangyarihan.

Samatala binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alyado ng New People’s Army (NPA), na kinabibilangan ng mga militanteng grupo, mga kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF), na sila ay aarestuhin dahil sa pagsasabwatan sa paghahasik ng karahasan.

Sa pahayag ni Pangulo sa harap ng Light Reaction Regiment sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija kamakalawa, sinabi niyang alam niyang nagsasabwatan ang NPA at legal fronts nito para pabagsakin ang gobyerno o maghasik ng gulo.

Ayon kay Duterte, wala siyang pakialam kung magsagawa ng demonstrasyon o magrebolusyon ang mga kaalyado ng NPA basta lahat ng konektado sa mga rebelde ay aarestuhin.

Muli rin niyang iginiit na idedeklara niya ang NPA na isang teroristang grupo at tatratuhin bilang mga kriminal.

“Huwag na lang tayo magbolahan, galing ako diyan eh. You are helping each other to topple or whatever to sow terro.

We will treat you as a criminal, period. And we will arrest everybody connected, and ‘yung mga legal fronts nila.

Mag-demand na kayo, magrebolusyon kayo, o anong gawin niyo wala akong pakialam basta ibalik ko kayo as a terrorist group,” ani Duterte.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento