Dinepensahan ni Senador Manny Pacquiao si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing hindi nito kailanman iniutos sa mga pulis na ilagay sa kanilang mga kamay ang batas.
Kaalinsunod na rin ito ilang alegasyon na ang Pangulo mismo ang nagtutulak sa mga pulis na pumatay dahil sa pagtatanggol nito sa mga pulis na kasama sa mga isinagawang drug operations.
Paglilinaw ng senador, suportado niya ang kampanya ng Pangulo kontra droga ngunit mariin niyang kinokondena ang mga abusadong pulis.
“I fully support President Duterte’s war on drugs but I don’t support the senseless killings ng mga abusadong pulis na umaabuso sa kanilang kapangyarihan,” ayon kay Pacquiao.
Isa si Pacquiao sa lumagda sa inihaing resolusyon ng majority bloc na kumokondena sa pagpatay sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos gayundin ang kahilingang imbestigahan ito ng Senado.
Sinabi pa ng senador, na maging ang Pangulo ay nagalit sa pagpaslang sa estudyante at ipinangako pa nitong ito mismo ang magdadala sa mga pumatay na pulis sa kulungan kapag napatunayang guilty ang mga ito.
“Even President Duterte said, if police murdered Kian delos Santos, siya mismo ang maghahatid sa kulungan o magpapakulong at ‘yan ang malinaw na paninindigan ng Pangulo na nililinaw lang niya na ini-instruct-an niya ang police na gawin ang kanilang trabaho pero hindi naman in-instruct ng Pangulo na labagin nila ‘yung batas at i-violate nila ‘yung batas natin,” giit pa ni Pacquiao.
0 Mga Komento