Humarap kahapon sa Senado ang tatlong Caloocan Police na inaakusahang responsable sa pagpatay sa 17-anyos na estudyanteng si Kian delos Santos.
Inamin ni PO1 Jerwin Cruz, na siya ang nakita sa CCTV footage kasama ang isa pang pulis na may kinakaladkad na lalaki ngunit nilinaw nitong hindi si Kian ang kanilang kinakaladkad kundi kanilang ‘asset’.
“Kami ‘yung dalawang nasa CCTV. ‘Yung sinasabi na Kian, hindi si Kian ‘yun. ‘Yun ‘yung aming asset,” ayon kay Cruz kasabay ng pagtukoy kay PO1 Jeremiah Pereda na kanyang kasama.
Nang tanungin naman kung bakit nila kinaladkad ang naturang asset nila sagot naman ni Cruz, “Kasi ‘yung asset, ayaw niyang masunog. Ayaw niyang makilala na may kasamang pulis na ituturo… pinoprotektahan niya ‘yung sarili niya at ‘yun ang sinabi niya sa amin, na i-cover namin para ‘di makilala dahil may kasama siyang police.” Giit pa ni Cruz, hindi nila kilala si Kian bago pa ito napaslang.
Ang pahayag ni Cruz ay taliwalas naman sa nauna nilang pahayag sa PNP Internal Affairs Service na kung saan inamin nilang si Kian ang kanilang kinaladkad na nakita sa CCTV footage.
Bukod dito, iginiit pa ng dalawang pulis na pinaputukan umano sila ni Kian habang ito’y nagtangkang tumakas kaya’t nabaril nila ito.
Narekober umano mula kay Delos Santos ang .45 pistol at dalawang sachets ng suspected shabu. Lumitaw na kasama nina Cruz at Pereda sa kanilang drug operations si PO3 Ariel Oares na nagresulta sa pagkamatay ni Delos Santos.
Sa inisyal na testimonya ni Chief Insp. Amor Cerilo, ang police community precinct commander, sinabi nitong si Oares umano ang bumaril kay Delos Santos batay na rin sa ballistic examination ng mga slugs na narekober sa pinangyarihan ng insidente.
Para kay Cerilo, lumalabas na sangkot sa transaksiyon sa ilegal na droga si Kian batay sa narekober na cellphone, social media at sa isang alias Nono.
source
0 Mga Komento