Hinamon ni Sen. Panfilo Lacson ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kanilang intelligence gathering upang makahuli ng big fish sa anti-illegal drug operation at hindi ‘yung mga naka-tsinelas at sachet lamang ang dala.
Ayon kay Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, halata na kulang sa nakukuhang impormasyon ang PNP dahil hindi pa sila nakakahuli at nakakapatay ng mga nagtatrabaho sa shabu laboratory o kaya’y nagbebenta ng kilo-kilong shabu.
“Ang sinasabi natin baka puwede itaas ang antas ng kanilang intelligence. Targetin nila ang mas malaking drug pusher kasi sila naroon sila sa comfort ng kanilang tahanan, nagna-night club sa gabi at tinatamaan ang kanilang mga runner,” giit ng senador.
“Lagi nating nakikitang nakabulagta madaling-araw naka-tsinelas. Wala pa tayong nakitang napatay na naka-Ferragamo o Rolex,” patutsada pa ni Lacson.
Naniniwala pa ang senador na kapos sa intelligence gathering ang Caloocan City police nang magsagawa ng Oplan Galugad kung kaya’t pati na ang inosenteng 17-anyos na estudyante ay dinampot at pinagbabaril.
Lumakas din umano ang loob ng mga pulis na gumawa ng ‘bara-barang’ trabaho dahil alam nilang poprotektahan sila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Talagang nakikita natin na halos wala nang malalimang pagpaplano o malalimang pag-iisip, bara-bara na lang ba dahil suportado naman tayo ng pinakamataas na pinuo? Very dangerous ‘yan,” babala ni Lacson.
source
0 Mga Komento