Drilon: Faeldon may pinagtatakpan! ”Siguro tell all na lang siya.

Kinalampag ng isang senador si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon na sabihin na ang lahat ng kanyang nalalaman sa korapsyon sa ahensya imbes na idawit lang ang anak ni Sen. Panfilo Lacson. 

Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na may pinagtatakpan si Faeldon hinggil sa mga personalidad na nakikinabang sa korapsyon sa BOC. 

“Si Faeldon siguro tell all na lang siya. Mula nang ako’y mamulat eh ang katiwalian sa Customs naririnig ko na. 
Hanggang ngayon malapit na akong matapos, limang taon matatapos na ang termino ko sa Senado ganun pa rin naririnig ko pa rin,” hirit ni Drilon. 
“Kailangan siguro once and for all Faeldon should tell everything,” giit pa ng senador. 

Matatandaan na inaku­sahan ni Lacson si Faeldon na tumanggap ng P100 mil­yong ‘pasalubong’ mula sa mafia ng BOC nang maupo ito sa puwesto noong nakaraang taon. 

Bumuwelta naman si Faeldon at sinabing sangkot umano sa smuggling ng semento ang anak ni Lacson na si Pampi. 

Sa mga nakaraang pagharap ni Faeldon sa Se­nate Blue Ribbon Committee, wala itong binabanggit tungkol sa anak ni Lacson gayundin sa pagkakasangkot ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte sa smuggling sa BOC. 

Kung kakanta si Faeldon sa mga nalalaman niya sa corruption sa BOC, sinabi ni Drilon na bahala na ang taumbayan ang magdesisyon kung paniniwalaan ang aaminin nito dahil nakasalalay naman ito kung may ebidensiya siyang ihaharap.

source


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento