Umapela ang Commission on Human Rights (CHR) na mabusisi ang lahat ng mga kaso ng pagpatay sa mga suspek sa ilegal na droga nang dahil umano sa panlalaban sa mga awtoridad.
Giit ni CHR Commissioner Chito Gascon, nangangailangan na ng solidong pagsisiyasat sa mga insidente ng pagkakapatay ng mga pulis sa mga suspek.
“We now call for a solid investigation, no whitewashing of this as much as we are also calling for a review of every single case of ‘nanlaban,’” ani Gascon.
Lumakas ang naturang apela sa harap na rin ng pagkamatay ng Grade 11 student na si Kian delos Santos na sinasabing nanlaban sa pag-aresto ng pulisya.
Sa huling tala ng PNP, umaabot na sa 3,451 drug personalities ang napapatay mula July 1, 2016 hanggang July 26, 2017.
Pinanindigan ng pulisya na ang mga suspek ay napapatay dahil sa panlalaban at dumepensa lang ang mga awtoridad.
Pero diin ni Gascon, ang argumento ng panlalaban ay pupuwede lang maigiit sa korte at hindi sa preliminary investigation.
Sinabi pa nito na sa lahat ng mga tinawag na kaso ng panlalaban noong 2016, isa lang ang umabot ng prosekusyon.
“We need to change this. We need to ensure that our police officers follow the law. We need to make sure they apply proper police procedures,” ani Gascon.
Nagsimula na ring mag-imbestiga ang mga taga-Commission on Human Rights.
“Tinututukan natin ang kaso na ito dahil maliban sa alleged EJK (extrajudicial killing) na issue, vulnerable sector o bata ang naging victim dito at maririnig nga natin ang paghagulgol ng magulang na nawalan ng anak,”
Ayon kay Atty. Jackie de Guia, tagapagsalita ng CHR. Nangako rin ang CHR ng legal assistance sa pamilya delos Santos.
0 Mga Komento