Ginawa ni Robredo ang kanyang apela sa kanyang radio program kahapon kaugnay ng kaliwa’t kanang pagkakasangkot ng ilang PNP officials sa pagpatay ng mga taong walang kalaban-laban sa gitna ng giyera kontra ilegal na droga.
“Ang paniniwala ko, mas marami pa rin iyong mabubuti. Mas marami pa rin iyong mga matitino. Kaya nananawagan tayo sa kanila na tulungan tayong isalba iyong institusyon ng kapulisan,” ani Robredo.
Kabilang sa mga inosente na pinatay umano ng mga pulis na nakatalaga sa Caloocan City ay ang mga kabataang sina Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz habang wala pang detalye kung sino ang pumatay kay Reynaldo de Guzman.
Ayon kay Robredo, sa 175,000 na puwersa ng PNP, konti lang aniya ang tiwaling miyembro subalit nakakasira umano ang mga ito sa imahe ng pambansang pulisya kaya ito umano ang dapat tutukan ng kanilang mga kasamahan sa serbisyo para isalba ang kanilang institusyon.
“Huwag natin sanang hayaan na sisirain iyong buong institusyon ng mga pulis na hindi mabuti iyong hangarin… Marami akong kakilala, marami akong kaibigan na mga pulis na talaga namang matitino, maaayos, at nadadamay sila sa kasamaan ng ilan nilang kasamahan,” ayon pa sa Bise Presidente.
Walang problema aniya si Robredo sa giyera kontra ilegal na droga subalit hindi umano solusyon ang pagpatay sa mga drug addict dahil ginawa na ito ng ibang bansa subalit hindi sila nagtagumpay.
“Kaya iyong parati nating kampanya, sana hindi patayan iyong strategy. Eh ang nakakalungkot, halos araw-araw mayroon tayong bagong balita na kabataan na iyon iyong pinapatay.
Ang tanong ngayon siguro, ano kaya iyong iba pang mga patayan? Sino kaya doon iyong pinatay na wala namang kalaban-laban, wala namang kasalanan? Iyon iyong nakakatakot,” dagdag pa nito.
0 Mga Komento