Pro-Duterte rally, Walang gov’t funds -DOE Sec. Alfonso Cusi

Tiniyak ni Energy Secretary Alfonso Cusi na walang pondo ng gobyerno ang ginamit sa pro-Duterte rally sa Plaza Miranda sa Maynila. 

Paliwanag ng kalihim, binibigyan lamang nila ng lugar ang publiko na ihayag ang kanilang saloobin, kabilang na ang pagsuporta sa mga programa at advocacies na isinusulong ng Administrasyong Duterte. 

Ani Cusi, kadalasang ang mga nambabatikos lamang ang nakakapagpahayag. 
Sinabi niya sa pagkakataong ito, pinaiiral ang demokrasya kung saan lahat ng panig ay binibigyan pagkakataon na magpahayag. 

Kasabay nito, hinimok din ni Cusi ang tinawag niyang “mayorya” na magsalita, at huwag manahimik.  

Sa pagtaya ng Manila Police District, hindi bababa sa 7,000 katao ang dumalo sa pro-Duterte rally sa Plaza Miranda. 

Samantala, negatibo ang ulat ng pagdating ng anim na barko mula sa Visayas at Mindanao na sakay ang mga hakot na dadalo sa kilos protesta ngayong araw.

Ayon kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, base sa kanilang monitoring ay wala namang anim na barkong dumating na may kargang raliyista at normal naman ang sitwasyon ngayon sa mga pantalan. 

Dagdag pa ng hepe ng PNP, walang kakaibang movement ng barko mula Visayas at Mindanao ang papunta sa Maynila. 

Matatandaang kahapon sinabi ni Dela Rosa na may anim na barko silang binabantayan na may hakot umano na mga ra-rally. Pero Itinanggi naman ito ni NCRPO Chief Oscar Albayalde at sinabing wala silang alam tungkol dito.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento